Ilalarga na ng Department of Justice o DOJ sa Miyerkules ang preliminary investigation sa mga kasong kriminal na kinakaharap nina John Paul Solano at 17 iba pang suspek sa pagpatay sa hazing victim at University of Santo Tomas o UST Law Freshman na si Horacio “Atio” Castillo III.
Magsisimula ang imbestigasyon ng three-member panel na pamumunuan ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva, alas-2:00 ng hapon.
Inaasahang dadalo si Solano, na pangunahing suspek sa pagpatay kay Atio.
Bukod sa murder, nahaharap din si Solano sa mga kasong obstruction of justice, perjury, robbery at violation of Anti-Hazing Law na inihain ng Manila Police District o MPD.
Samantala, nakatakda naman sa nasabing petsa ang pag-uusap ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya Castillo.
Kasabay nito ay muling umapela ang DOJ sa mga sangkot sa pagkamatay ni Atio Castillo na lumantad na at tumulong sa imbestigasyon.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na wala pa ring lumulutang na mga testigo laban sa mga kinasuhang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Tiniyak ni Aguirre na kung sinuman ang lulutang at nais maging state witness sa pagkamatay ni Atio na lalapit sa kanila ay isasailalim nila sa Witness Protection Program o WPP.
—-