Tiniyak ng Public Attorney’s Office na marami pa silang isasampang kaso laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa maanomalyang pagbili ng anti-Dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito ang inihayag ni PAO Chief Atty. Percida Rueda – Acosta kasunod ng pag-usad ng mga naisampa na nilang mga kaso laban sa mga taong nasa likod ng pagtuturok ng naturang bakuna sa walongdaang libong bata.
Kasunod nito, sinabi sa DWIZ ni Acosta na itinakda na ng Department of Justice sa Mayo 15 ang preliminary investigation kaugnay sa kaso.
Samantala, kinontra naman ng PAO ang pagbuo ng tatlong Asian Expert Panel para alamin kung ang Dengvaxia nga ang naging sanhi ng pagkamatay ng ilang batang naturukan nito.
Ayon kay Acosta, bagama’t iginagalang nila ang naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte pero hindi aniya maaasahan ang PAO gayundin ang mga magulang ng mga batang naturukan na ibigay ang kanilang kooperasyon.
Giit ni Acosta hindi bagong pag-aaral kung hindi tulong medikal at pinansyal ang kailangan ng mga naturukan ng Dengvaxia para sa pagpapagamot ng mga ito.