Umarangkada na ang preliminary investigation ng Department of Justice o DOJ kaugnay sa kasong smuggling na inihain ng Bureau of Customs o BOC laban sa customs broker na si Mark Taguba at pitong iba pa.
May kaugnayan ito sa paglusot ng mahigit animnaraang kilo ng shabu sa Aduana mula China na nagkakahalaga ng mahigit anim na bilyong piso.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina Chen Ju Long alyas Richard Tan o Richard Chen, chairman ng Hongfei Logistics Group, negosyanteng sina Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong, may-ari ng EMT Trading na si Eirene Tatad na consignee ng drug shipment.
Gayundin ang mga Taiwanese nationals na sina Chen Min at Jhu Ming Jyun, ang broker na si Teejay Marcellana, negosyanteng si Li Guang Feng alyas Manny Li at iba pang hindi pinangalanang indibiduwal na isinasangkot din sa shabu shipment.
Batay sa reklamo ng Customs Action Team Against Drug Smugglers Group, nilabag ng mga nabanggit ang Republic Act o RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pag-iimport ng iligal na droga.