Tinapos na ng Department of Justice o DOJ ang preliminary investigation nito sa kasong kriminal kaugnay sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.
Ayon kay Associate Prosecution Attorney 2 Moises Acayan, ang nasabing kaso ay submitted na for resolution matapos na magsumite ng joint rejoinder affidavit ang labing dalawang (12) pulis na una nang kinasuhan kaugnay sa usapin.
Sinabi ni Acayan na maglalabas ng resolusyon ang prosecution panel sa ikalawang linggo ng Nobyembre na aprubado nina Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon at Acting Prosecutor General Jorge Catalan, Jr.
Iginigiit ng mga pulis na dapat mabasura ang kaso dahil wala sila sa crime scene nang tina-target ng grupo ni PO3 Arnel Oares si Delos Santos dahil sa hinalang drug runner.