Welcome sa Palasyo ng Malacañang ang plano ng Office of the Ombudsman na isalang sa preliminary investigation para sa kasong technical malversation si Budget Secretary Butch Abad.
Kaugnay ito sa pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, magandang pagkakataon ang pagsalang sa imbestigasyon upang mabigyang linaw ng opisyal ang isyu na bumabalot sa DAP.
“Ang proseso sa tanggapan ng Ombudsman ay magbibigay ng pagkakataon para magkaroon ng paglilinaw sa mga isyu kaugnay ng implementasyon ng DAP, di natitinag ang pamahalaan sa posisyon nito na ang pagsasagawa ng DAP ay para sa kabutihan ng ating mamamayan at sa interes ng bansa.” Ani Coloma.
Lumpsum
Nanindigan si Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, na naayon sa batas ang mga patakaran na ipinatutupad ng pamahalaan, kabilang na ang paghahanda ng pambansang budget.
Kasunod ito ng pagkuwestyon sa Korte Suprema, ng grupong PHILCONSA at ni dating Budget Sec. Ben Diokno, sa mahigit 400 bilyong pisong lumpsum na nakapaloob sa 2015 budget.
Nakahanda din aniya silang tingnan ang mga ebidensyang hawak ng petitioners, kaugnay sa umano’y ilegalidad ng naturang pondo.
“‘Yang paghahain nila ng bkaso at pagbibigay ng pagkakataon na makita kung ano ang kanilang mga katibayan at kung kaya nilang patunayan ang kanilang mga paratang, basta para sa atin po sa patakaran ng mabuting pamamahala ay tumatalima tayo sa batas.” Pahayag ni Coloma.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit