Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) na mananatili sa 4% ang kanilang premium rate na may incomeceiling na P80,000 ngayong taon.
Ito’y bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na suspendihin ang premium rate increase na itataas sana sa 4.5% mula sa kasalukuyang 4% gayundin ang pagtaas ng income ceiling mula P80,000 hanggang P90,000.
Ayon kay Acting PHILHEALTH CEO Emmanuel Ledesma Jr., maglalabas sila ng hiwalay na advisory na nagsasaad ng mga gabay sa pagpapatupad ng naturang direktiba, partikular na para sa direct contributors.
Tiniyak naman ni Ledesma na magpapatuloy ang bagong benefit packages, na dapat sana ay huhugutin mula sa premium increase.
Kabilang na rito ang Outpatient Therapeutic Care para sa Severe Acute Malnutrition, Outpatient Package para sa Mental Health at Comprehensive Outpatient Benefit.