Tuloy ang preparasyon ng COMELEC o Commission on Elections para sa halalang pambarangay at SK o Sangguniang Kabataan.
Ito’y ayon kay COMELEC Spokesman Director James Jimenez, hangga’t hindi pa ganap na naisasabatas ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections.
Aniya, aabot na sa limampung (50) milyong balota ang natapos nang maimprinta at nakahanda na ring i-deliver.
Iginiit din ni Jimenez na kung isususpendi ang eleksyon ay dapat gawin ito bago ang pagsisimula ng paghahain ng COC o Certificate of Candidacy sa Oktubre 5.
Paliwanag ng opisyal, posibleng magkaroon ng problema ang mga maghahain ng COC dahil otomatikong deemed resigned sila kaya mawawalan ang mga ito ng trabaho.
Pirma ni Pangulong Duterte vs. pag-postpone ng Barangay at SK Elections
Tuloy ang halalang pang-barangay sa Oktubre 23 hangga’t hindi umano nalalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nag-uutos upang i-postpone ito.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, kung nais talaga ng Pangulo na isuspinde ang Barangay at SK Elections, kailangan muna nitong pirmahan ang nasabing panukala bago ang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy sa Oktubre 5, upang maiwasan ang anumang problema.
Total Election Gun Ban
Pina-alalahan ng NCRPO o National Capital Region Police ang publiko kaugnay ng pagsisimula ng election period ngayong araw.
Ayon kay NCRPO Director Oscar Albayalde, mahigpit na nilang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga baril o anumang armas kasabay ng ipinatutupad na total election gun ban simula kaninang 12:01 ng hating gabi.
Sinabi pa ni Albayalde na hindi exempted sa gun ban ang mga pulis o opisyal ng gobyerno na hindi naka-uniporme at hindi naka-duty.
Nagsimula na rin aniya ang kanilang paglalagay ng checkpoints sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila gayundin ang PNP o Philippine National Police sa ibang panig pa ng bansa kasabay ng mas maigting na police visibility.