Patuloy pa rin ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections o COMELEC para sa eleksyon sa susunod na taon.
Ito ay sa kabila ng mga lumalabas na balita na posibleng magkaroon ng no-el scenario sa 2019 para bigyang daan ang referendum sa pagbabago ng sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, hangga’t wala pang pormal na anunsyo ang pamahalaan hinggil sa pagpapaliban ng 2019 elections ay tuloy pa rin ang “voters registration” na tatagal hanggang Setyembre.
Giit pa ni Jimenez, magkaiba ang timetable ng referendum at ng eleksyon kaya hindi dapat makaapekto ang isinusulong na pagpapalit ng porma ng gobyerno, sa kanilang ginagawang paghahanda.
Una nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mas praktikal kung maipagpaliban muna ang halalan sa susunod na taon para matutukan ng mga mambabatas ang pag-aaral sa draft ng federal constitution.
—-