Naghahanda na ang ilang Local Government Unit (LGU) sa tatlong araw na national COVID-19 Vaccination Drive na aarangkada sa November 29 hanggang December 1, kung saan target mabakunahan ang nasa 15 million individual.
Nakikipag-usap na ang Malabon City Government sa pribadong sektor at Non-Government Organizations upang hingin ang tulong nila sa planong dagdag vaccination site at team.
Tinatayang 8,000 COVID-19 vaccine doses ang kakayaning iturok sa 12 vaccination sites sa Malabon kada araw habang target ng local government na itaas ito sa 10,000.
Plano ring magdagdag ng tatlo hanggang limang COVID-19 vaccination sites ng Antipolo City Government na kaya ring magbakuna ng hanggang 8,000 individuals kada araw.
Halos 88% na ng target population sa naturang lungsod ang naka-kumpletong bakuna, habang 97% ng target ang may unang dose.
Tiniyak naman ng National Vaccines Operation Center na pasisimplehin ang requirements sa National COVID Vaccination Days at hinihikayat ang mga LGU na tumanggap ng mga walk-in sa mga nasabing araw. —sa panulat ni Drew Nacino