Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang preparasyon para sa holiday season.
Kabilang sa inilatag na plano ang moratorium o pagbabawal sa road projects simula November 14 hanggang January 2, 2023, adjustment ng mall hours at deployment ng mas maraming traffic enforcers.
Nilinaw naman ni MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga III na hindi kasama sa pagbabawalan ang flagship projects.
Sa kabila nito, magbibigay na lamang anya ng schedule para sa mga priority project upang matiyak na hindi masasabay ang mga ito sa mga road reblocking upang hindi magdulot ng mabigat na daloy ng trapiko.
Kinumpirma rin ni Dimayuga na nakipag-usap na sila sa management ng mga mall kaugnay sa pagtatakda ng sale simula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi tuwing weekdays.
Samantala, nasa 2,000 hanggang 2,600 traffic enforcers naman ang ide-deploy sa nasabing panahon.