Plantsado na ang ginagawang mga paghahanda sa pista ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Sa Palanca Street na kabilang sa ruta ng traslacion, nagkusa ang mga stall owner at mga side walk vendors na linisin ito upang magbigay daan sa Poon.
Binabaan naman ang bintana kung saan puwedeng humalik sa paa ng Poong Nazareno upang magbigay daan sa mga disabled at mga batang nagnanais na mahawakan ang Nazareno.
Inalerto na rin ng Manila Police District (MPD) ang mga hotel at inn sa syudad laban sa kahina-hinalang mga dayuhan na posibleng maglunsad ng terorismo sa nabanggit na aktibidad.
AFP
Samantala, sasabak din sa pagbabantay sa magiging prusisyon ng Itim na Nazareno ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, kabilang sa mga ide-deploy ay mga opisyal na kabilang sa mga nagbigay ng seguridad sa isinagawang APEC Summit at pagbisita ng Santo Papa .
Bukod sa mga unipormadong mga sundalo ay magtatalaga din sila ng mga nakasibilyang mga tauhan.
Inaasahang higit sa 10 milyong mga deboto ang dadayo sa prusisyon lalo’t tumama pa ng Sabado ang pista ngayong taon.
CCTV
Tatadtarin ng CCTV ang ruta ng prusisyon ng Itim na Nazareno sa Sabado, Enero 9.
Ipinabatid ni NCRPO Chief, Police Director Joel Pagdilao na 22 mga lugar ang lalagyan nila ng CCTV camera sa loob ng pitong kilometrong ruta mula Quirino Grandstand hanggang sa Quiapo Church.
Dagdag pa ni Pagdilao, hinati din nila sa 10 section ang pitong kilometrong ruta ng prusisyon.
Ang bawat section ay may nakatalagang police commander kasama ang mga barangay leader ng mga deboto na sila namang magbabantay sa kanilang sariling hanay para sa kaligtasan ng lahat sa pista ng Itim na Nazareno.
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)