Tuturuan na ng leksyon ni Presidential Spokesman Harry Roque si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson hinggil sa kahalagahan ng media.
Ito ang inihayag ni Roque kasabay ng panawagan sa mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilala rin bilang mga “ka-DDS” o Duterte Die hard Supporters na iwasang atakihin ang mga journalist.
Pinaalalahanan ng tagapagsalita ng Malacañang si Uson na kung wala ang mainstream media ay hindi mabubunyag ang mga kabiguan at iregularidad ng nakaraang administrasyon.
Ipinaliwanag ni Roque na ang mga naturang kabiguan at iregularidad ng Aquino administration ang naging susi upang maluklok si Duterte sa pagka-Pangulo.
‘Sagot ni Uson’
Itinanggi naman ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson na kanyang inaatake ang lahat ng media outlets sa bansa.
Ito ay matapos ihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kanyang bibigyan ng leksyon si Uson hinggil sa kahalagahan ng media.
Ayon kay Uson, hindi niya inaatake ang pagkatao ng mga miyembro ng media tulad aniya ng ginagawa sa kanya ng mga ito at iginiit na mga iniuulat na fake news lamang ang kanyang binabatikos.
Ipinagtanggol din ni Uson ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas kilala bilang DDS O Duterte Die-hard Supporters at sinabing hindi binabayaran ang mga ito para manggulo at mambash lamang sa social media.
Binigyang diin pa ni Uson na mas makabubuti kung kapwa respetuhin ng media at mga netizens ang opinsyon ng bawat isa.
—-