Nagkita muli sina President Rodrigo Duterte at Vice-President Leni Robredo sa Kampo Aguinaldo na kapwa dumalo sa Change of Command Ceremony.
Naging sibil lamang sa isa’t isa ang dalawang bagong halal na opisyal at, sa pagsisimula ng kanyang talumpati kahapon, binati ni President Duterte si Vice President Robredo .
Nagbiro pa si Duterte na ito ang unang pagkakataon na nagkita simula matapos ang eleksiyon at gusto sana niyang umupo sa tabi nito subalit napagitnaan sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Bagamat walang personal na hidwaan, tila mailap ang pagkakataon para kina Duterte at Robredo na mag-usap pagkatapos ng eleksiyon.
Hanggang sa matapos ang kani-kanilang inagurasyon, walang naibigay na puwesto ang Pangulo kay Robredo , taliwas sa ibang naging Pangalawang Pangulo na nabigyan ng puwesto sa gabinete.
Hindi man direktang sabihin na ayaw ng Pangulo kay Robredo, naging hayagan naman ang pag-amin nito na kaibigan nito si dating Senador Bongbong Marcos, na nakatunggali at natalo ni Robredo sa eleksiyon.
By: Avee Devierte