Bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling araw ng burol ng yumaong si dating Senador Miriam Defensor-Santiago na kanyang nakalaban sa May 9 presidential elections.
Dakong alas dos kaninang madaling araw nang dumating si Pangulong Duterte sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City mula Davao City.
Magugunitang si Santiago lamang sa apat na katunggali ni Duterte ang kanyang pinuri sa tatlong nakaraang presidential debates.
Pinapurihan din ng dating Senador ang noo’y alkalde ng Davao dahil sa political will nito upang sugpuin ang krimen at panatilihin ang kapayapaan sa naturang lungsod.
Samantala, binigyan naman ng standing ovation ang dating Senador sa isinagawang misa kagabi bilang pagpupugay sa ambag nito sa bansa.
Hanggang ngayong umaga na lamang ang public viewing sa labi ng dating mambabatas bago ilibing sa Loyola Memorial Park sa Marikina City, mamayang hapon.
By: Drew Nacino