Matapos ang dalawang nabigong pagtatangka ay natuloy rin sa ikatlong pagkakataon si Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Marawi City sa gitna ng bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at ISIS-Maute Terror Group.
Dakong tanghali kahapon nang dumating sa Marawi si Pangulong Duterte na binigyan naman ng briefing ng mga opisyal ng militar at matapos nito ay humarap sa mga sundalo sa Camp Ranao.
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, spokesman ng Joint Task Force Marawi, dakong alas 3:00 naman ng hapon nang lisanin ng punong ehekutibo ang lungsod.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Pangulong Duterte ang pasasalamat at suporta sa mga sundalo at tiniyak na hindi sila pababayaan.
Naging masaya anya ang mga sundalo dahil nakita nila ang Pangulo na kanilang hinangaan dahil sa tapang nito na tumapak sa lugar ng sagupaan.
Tumaas aniya ang morale ng mga sundalo ngayon sa Marawi City dahil sa ipinakitang aksyon ni Pangulong Duterte.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
Pres. Duterte bumisita sa mga tropang sundalo sa Marawi City was last modified: July 21st, 2017 by DWIZ 882