Itinanggi ng Malacañang na nagkasakit si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Bagong Taon at nagtungo sa China para magpagamot.
Kasunod ito ng inilabas sa column ni Dating Senador Francisco Tatad na posibleng sinalubong ni Pangulong Duterte ang Bagong Taon sa Fuda Cancer Hospital sa Guanzhou, China.
Sinabi ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go, walang katotohanan at walang basehan ang nasa kolum ni Tatad.
Siyento porsiyento aniyang sablay ang impormasyon ni Tatad.
Hinamon pa ni Go ang mga kritiko na i-check sa Bureau of Immigration o BI kung lumabas ba sila ni Pangulong Duterte bansa noong New Year.
Nag-ugat ang hinalang nagkasakit si Pangulong Duterte matapos na hindi ito makita ng publiko sa loob ng 4 na araw matapos ang New Year.
Ayon sa Palasyo, “Private Moment” ito ng Pangulo kaya hindi siya agad nakita at saka lamang ito nakita noong Biyernes, nang bisitahin ang barko ng Russia na dumaong sa Manila Bay.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping