Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na alam niya ang naging aktibidad ng China sa Benham Rise.
Ayon sa Pangulo, una nang napagkasunduan ng Pilipinas at China ang pagpasok ng mga Chinese research ship sa teritoryo ng bansa.
Iginiit ng Pangulo na hindi ito dapat palakihin dahil ayaw niya itong makasira sa magandang relasyon ng dalawang bansa.
Ikinagulat naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging pahayag na ito ng Pangulo.
Samantala, kinumpirma naman ng Chinese Foreign Minister ang naging kumpirmasyon ng Pangulo na alam nito ang ginagawa nilang research sa Benham Rise.
Kasabay nito, sinabi ng China na inirerespeto nila ang karapatan ng Pilipinas sa continental shelf ng Benham Rise at hindi nila ito hinahamon.
Ngunit iginiit ng China na alinsunod sa International Law ang continental shelf ay hindi bahagi ng teritoryo ng isang bansa kaya wala umanong dapat na maging sagabal sa kanilang paglalayag sa nasabing lugar.
Impeachable offense?
Isang impeachable offense ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinayagan nitong magsagawa ng survey ang mga barko ng China sa Benham Rise na lehitimong pag-aari at bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Magdalo Partylist Representtaive Gary Alejano, maaaring mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte sa oras na mapatunayang nabigo ito na protektahan ang Benham Rise mula sa panghihimasok ng mga Tsino.
Iginiit ni Alejano na dapat maging transparent ang gobyerno sa anumang pinapasok na kasunduan sa China dahil maaaring mas malaki ang maging kapalit ng bilyun-bilyong dolyar na loans at grants na sinelyuhan nang bumisita ang Pangulo sa Beijing noong Oktubre.
Sa ilalim ng Article 11, Section 2 ng Saligang Batas, maaaring patalsikin sa pwesto ang Pangulo sa pamamagitan ng impeachment kung nagkaroon ng treason o nagtaksil sa bayan, bribery, graft and corruption, betrayal of public trust at iba pang high crimes.
Sa kaso ni Pangulong Duterte, maituturing na treason ang ginawa nito dahil sa tila pagpanig at pagtulong sa kalaban.
By Rianne Briones | Drew Nacino