Maghintayan na lang tayo!
Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa oposisyon sa harap ng umuugong na planong pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Sinabihan pa ng Pangulong Duterte ang oposisyon na wala siyang pakialam kung magdasal man ang mga ito na mawala na siya sa susunod na buwan.
Naniniwala aniya siya sa Diyos at kung anuman ang kagustuhan nito ay maluwag niyang tatanggapin dahil ito ang kanyang kapalaran.
Sinabi ng Pangulo na hangga’t siya ang nakaupo ay hindi siya titigil hangga’t hindi nawawala at nalilinis ang lahat ng mga drug pusher at drug addict sa bansa.
Iginiit pa ng Presidente na hindi siya natitinag kung gawan man siya ng intriga patungkol sa extra-judicial killings at sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping