Naging tampulan ng tukso si Vice President Leni Robredo sa pagdalo sa Ikatlong anibersaryo ng paggunita ng pamiminsala ng super typhoon Yolanda sa Tacloban City.
Sa kalagitnaan ng talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Holy Cross Memorial Park mass grave sa barangay Basper, nagawang maisingit nito ang pagbibiro kung saan tinanong ang pangalawang Pangulo kung totoo bang may boyfriend na ito.
Bagamat nagulat, napangiti si Robredo kasabay ng pag-iling ng ulo na tila pahiwatig ng pagtanggi.
Sinabi ng Pangulo sa Vice President na huwag mahiya at huwag ma-offend sa kanya.
Sinabi rin ng Pangulo na kung totoong may kasintahan ang pangalawang Pangulo ay baka papatay siya ng Congressman para maging biyuda ulit ito, na tila ikinaaliw naman ng mga tao.
Bago magtapos ng talumpati ang Presidente Duterte, muling nagbiro ito at ikinuwento ang unang pagkikita nila ni Robredo kung saan napansin niyang medyo maiksi ang damit nito.
Una aniyang napansin nito ay ang mga tuhod ni Robredo.
Sinabi pa ng Pangulo na gusto sana niyang sabihin na “mag-shorts” na lang ang Bise-Presidente subalit mukha aniyang nakahalata si Robredo kaya’t lumipat na lamang ng ibang upuan.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping