Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na personal na aarestuhin ang mga opisyal at tauhan ng Anti-Money Laundering Council o AMLC kapag nabigong magbigay ng assessment report hinggil sa pinaiimbestigahang mga bank account ni Senador Leila De Lima na posibleng galing umano sa drug money.
Hindi pa rin maalis ang ngitngit ng Pangulo sa AMLC dahil sa tila pagbalewala sa kahilingan ng Department of Justice kaugnay sa mga kailangang dokumento para mapalakas ang binubuong kaso laban kay De Lima.
Sinabi ng Pangulong Duterte na oras na makakita ng butas ang DOJ laban sa mga opisyal ng AMLC ay aarestuhin niya ang mga ito.
Matatandaang sinabon ng Presidente ang mga opisyal ng AMLC noong anibersaryo ng NBI dahil hindi inaksyunan ang paper trail sa umano’y drug money ng mga iniimbestigahang personalidad.
Naibulalas din ng Pangulo ang pagkainis sa AMLC dahil wala aniyang ginawa ang mga ito nang akusahan siya ni Senador Antonio Trillanes na may P211 Milyong pera sa bangko, gayong trabaho nila na i-counter check o i-validate ito.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping