Ipinatitigil na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng ilang probisyon ng Executive Order 203 na ipinalabas ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nakasaad sa EO 203 ang pagbibigay ng malalaking allowances, benefits at insentibo sa mga kawani at opisyal ng GOCC’s o Government Owned and Controlled Corporations.
Sa ipinalabas na Executive Order 36 ng Pangulong Duterte nais nitong ipatigil na ang implementasyon ng compensation and position classification system para sa mga GOCC’s na tumatanggap ng malalaking insentibo at allowances.
Ayon kay Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra kailangan munang isailalim sa review ang ibinibigay na malalaking perks at benefits sa mga opisyala at empleyado ng GOCC’s kung angkop ba ang natatanggap ng mga ito sa serbisyo at performance na ibinibigay sa publiko.
Sinabi ni Guevarra na maraming GOCC’s ang hindi nakakatugon sa itinakdang pamantayan base na rin sa nakasaad sa EO ng dating Pangulong Aquino.
By Judith Larino / ulat ni Aileen Taliping (Patrol 23)