Plano umanong ipatumba ng Amerika si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa matapang na mga pahayag nito sa pagkuwestiyon sa isyu ng extrajudicial killings pati na ang mga diretsahang pahiwatig ng pagkalas sa Estados Unidos.
Sa kanyang pagharap sa Filipino Community noong miyerkules ng gabi sa Hanoi, Vietnam, pahapyaw na inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati na pinaplano umano ng Central Intelligence Agency na patayin siya
Napa-susmaryosep-ginoo lamang ang Pangulo subalit hindi na nagbigay pa ito ng dagdag na detalye.
Nitong nakalipas na mga araw ay naging hayagan ang pagpapaalis ng pangulo sa puwersa ng mga Amerikano sa Mindanao pati na rin ang pagpapatigil nito sa joint military excercises sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at mga Amerikano.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na hindi niya kayang ipasubo ang mga sundalo para lamang ma-massacre at gawing battleground ang Palawan.
Pero pabirong sinabi ng Presidente na payag siyang dalhin ang battleground sa San Francisco na umani ng palakpak sa mga panauhin.
Matatandaang sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang presidente ng bansa ay inihayag ni Pangulong Duterte ang banta sa kanyang buhay mula naman sa mga drug lords na nasagasaan ang operasyon dahil sa kanyang all-out war campaign sa illegal na droga.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping