Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon ng state of lawless violence, bago siya tumulak patungong Laos.
Idineklara ang State of Lawless Violence matapos ang pambobomba sa hometown ng Pangulo sa Davao City na ikinasawi ng labing-apat katao, noong Biyernes.
Ayon kay Christian Ablan, Assistant secretary for policy and legislative affairs ng Presidential Communications office, inihanda ang proklamasyon ni Executive Secretary Salvador Medialdea na itinalaga naman bilang caretaker ng bansa habang wala ang Pangulo.
Alinsunod sa Article 7, section 18 ng Konstitusyon, magsisilbing commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines ang Pangulo kung kailangan at maaaring utusan ang militar na sugpuin ang anumang tangkang paghahasik ng kaguluhan, pananakop o rebelyon.
Magtutungo si Duterte sa Vientiane, Laos upang dumalo sa 28th at 29th Association of Southeast Asian Nations Leaders Summit kung saan tatanggapin niya ang chairmanship ng regional group para sa 2017.
By: Drew Nacino / (Reporter No. 23) Aileen Taliping