Ubos na ang pasensiya ni President Rodrigo Duterte sa operasyon ng mga drug lords kaya’t oras na lamang, aniya, ang bibilangin ng mga ito.
Sa kanyang pagsasalita sa change of command sa Kampo Aguinaldo, sinabi ng Pangulo na tatapusin niya sa lalong madaling panahon ang problema sa iligal na droga para hindi na madagdagan ang mga nasisirang buhay ng mga Pilipino.
Ayon sa Pangulo, panahon na para wakasan ang pamamayagpag ng mga druglord kaya pinagsama niya ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang labanan ang operasyon ng mga ito.
Tinukoy ni Duterte ang New Bilibid Prison na isa sa mga pinagmulan ng iligal na droga dahil sa kabila ng pagkakapiit ng mga druglord ay tuloy ang kanilang operasyon at kinukunsinti umano ng ilang tauhan at opisyal ng Bureau of Corrections.
Sinabi pa ng Pangulo na handa niyang itaya ang kanyang buhay, dangal, at Pagkapangulo matapos lamang ang problema ng salot na droga sa bansa.
By: Avee Devierte