Muling bumanat si Pangulong Rodrido Duterte kay Senadora Leila de Lima kaugnay sa hindi matapos-tapos na iringan ng mga ito na nagsimula sa isyu ng extrajudicial killings at illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.
Sa kanyang talumpati sa ika-Isang Daan at Labinlimang anibersayo ng Philippine Coast Guard, sinabihan ng Pangulo ang Senadora na huwag lokohin ang sarili sa pagluhod-luhod sa simbahan para palitawing inosente ito sa mga akusasyon laban sa kanya.
Naging viral sa social media ang larawan ni De Lima na nakaluhod habang nasa loob ng isang simbahan at pagkatapos ng misa ay nagsalita pa ito kaugnay sa kontrobersiyang kinahaharap nito.
Sinabi ni Pangulong Duterte na winarningan na niya ang Senadora walong buwan na ang nakaraan subalit hindi ito nagpaawat sa kanyang kagustuhan na maidiin ito sa extrajudicial killings.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin direktang sinagot ng Senadora ang mga akusasyon sa kanya sa isyu ng illegal drug trade sa New Bilibid Muntinlupa City pati na ang pagtanggap umano nito ng drug money para sa kanyang pagtakbo sa pagka-Senador.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping