Sinagot na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko hinggil sa hindi umano nito pagbibigay nang maayos na pahayag sa mga mahahalagang isyu.
Sinabi ng Pangulo na paano siya makapagpapaliwanag nang maayos kung puro ambush interview ang ginagawa sa kanya.
Hindi aniya siya binibigyan ng pagkakataon ng media na pumirmi sa isang lugar at hayaang magsalita sa mga sensitibong isyu patungkol sa gobyerno.
Matatandaang binatikos ang Presidente dahil sa mga matatapang at maaanghang na pahayag nito sa ilang isyu katulad ng pagpapalayas sa puwersa ng mga amerikano sa mindanao pati na sa isyu ng Bud Dajo Massacre noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.
Binuweltahan din ng Pangulo ang ilan sa mga pumuna sa Bud Dajo Massacre tulad ni dating Senador Kit Tatad na nagsabing isang siglo na ang insidente at hindi na dapat pang sinasariwa pa.
Sinabi ng Pangulo na walang alam si Tatad sa kasaysayan ng mga Moro at hindi nito alam ang idinulot na sakit ng sugat na iniwan ng mga Amerikano sa mga Moro sa Mindanao kayat huwag itong maggaling-galingan sa kasaysayan.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping