Hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makalibre ang Maute Terror Group at hindi pagdusahan ang kanilang ginawang panggugulo sa Marawi City.
Kasunod ito ng plano ng mga sultan at datu sa Marawi at Lanao Del Sur na kausapin ang mga Maute para matigil na ang labanan.
Sinabi ng Pangulo na hindi niya pipigilan ang plano ng mga datu at sultan subalit kung ito ay para sumuko o aregluhin ang mga Maute ay hindi niya ito kikilalalin.
Sinabi ni Pangulong Duterte na maraming nasugatan at napatay na mga sundalo kayat marapat lamang na managot ang Maute Terror Group.
Bukod dito, marami aniyang mga sibilyang natamaan ng mga snipers kayat hindi pupuwede ang areglo na lang.
Matatandaang iniutos ng Pangulo sa mga sundalo na patayin lahat ang mga nagpasimula ng karahasan sa Marawi City at kapag may nahuli ang mga ito ay huwag ng buhayin pa.
By: Aileen Taliping