Ibinunyag ni incoming Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa na nagpaplano na umano ang mga drug lord na nasa loob ng National Bilibid Prison (NBP) para patayin siya at si President-elect Rodrigo Duterte kapalit ng P10 milyong piso.
Ayon kay dela Rosa, batay sa nakuha niyang impormasyon, dodoblehin ng mga sindikato ang alok na P5 milyong piso ni Duterte sa mga makahuhuli sa mga bigtime drug lord, dead or alive pero sila umano ni Duterte ang gagawing target.
Gayunman, sinabi ni dela Rosa na hindi siya nababahala sa balitang ito sa halip ay hinamon pa nito ang mga drug lord na ipakita ang kanilang yabang.
Tahasan pang inihayag ng susunod na PNP Chief na hindi na uubra pa sa papasok na administrasyon ang ginagawa ng mga drug lord sa Bilibid na bayaran ang mga pulis, piskal, judge at iba pang opisyal ng pamahalaan para makalusot ang kanilang mga iligal na operasyon.
By Meann Tanbio