Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines o AFP na walong (8) dayuhang terorista ang kasalukuyang nasa bansa.
Sa isang briefing sa House of Representatives kahapon, ipinabatid na ilan sa naturang mga banyagang terorista ay Indonesian, Malaysian at Singaporean.
Ayon kay AFP Brig. General Felimon Santos Jr., natuklasan din ng Malaysian authorities na ang Sabah ay ginagamit na transhipment point ng mga teroristang papasok sa Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ni AFP Chief of Staff Eduardo Año, nagtangka ang ASG o Abu Sayyaf Group na magpakawala ng tinatawag na sleepers sa labas ng Central Mindanao para palabasin na malawak ang kanilang presensya.
Aniya maging ang Metro Manila ay nananatiling palaging target ng ASG na pamugaran subalit hindi naman nakakalusot sa mga awtoridad.
Base sa intelligence report ay nananatili lamang sa Central Mindanao partikular sa Lanao ang naturang mga terorista.
By Rianne Briones
Presensya ng 8 dayuhang terorista sa bansa kinumpirma was last modified: May 9th, 2017 by DWIZ 882