Walang magagawa ang sambayanang Pilipino kung tumanggi ang pamahalaan na maghain ng protesta laban sa China kaugnay sa di umano’y tuluyang pag-angkin nito sa Sandy Cay.
Ang Sandy Cay ay bahagi ng territorial sea ng Pagasa sa Spratly Islands na inaangkin ng Pilipinas.
Ayon kay Supreme Court acting Chief Justice Antonio Carpio, tanging ang estado o ang pamahalaan ang puwedeng maghain ng protesta sa International Tribunal.
Ang tanging magagawa anya ng mga katulad niya ay i-educate o bigyan ng tamang impormasyon ang mamamayan kung ano ang implikasyon ng pagtanggi ng pamahalaan na maghain ng diplomatic protest.
Binigyang diin ni Carpio na kaya nagpapatrolya sa Sandy Cay ang Tsina ay upang ipakita na teritoryo nila ito kaya’t dapat lamang na tapatan ito ng pagpapatrolya ng Philippine Coastguard.
Hindi na aniya kailangang ideklara ng China na inaangkin nila ang Sandy Cay dahil bahagi ito ng nine-dash line na isinumite nila sa United Nations.
Una rito, ibinunyag ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano na ipinatigil ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatrolya ng Philippine Coastguard sa Sandy Cay.
—-