Kumpiyansa si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na maaaring makahimok at makakuha ng mga Arab investors ang Pilipinas dahil sa malakas na presensya ng mga Overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.
Sa ginanap na open forum sa World Economic Forum sa Switzerland, natanong si Pangulong Marcos kung paano niya nakikita ang posibleng engagement sa Gulf countries na ngayo’y ikinokonsidera na ang Timog Silangang Asya bilang bagong lokasyon ng investments.
Bilang tugon, sinabi ni PBBM na bukas ang bansa sa anumang malalaking capital intensive investment ngayong sinisikap na nitong mapababa ang panloob at panlabas na utang. Mahalaga rin aniya na makabalik sa dating posisyon ang Southeast Asia bago pumasok ang pandemya kung saan isa ito sa mga itinuturing na fast growing economy.
Maliban dito, sinabi ni Pangulong Marcos matagal nang matatag ang relasyon ng Pilipinas sa mga bansa sa Middle East bunsod ng presensya ng mga OFWs doon.
Nagiging bahagi na rin aniya ang kalakalan sa talakayan sa Arab nations sa harap na rin ng sovereign wealth fund na isinusulong ng administrasyon.