Inatasan na ng Department of National Defense (DND) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang presensya nito sa West Philippine Sea.
Ito’y bunsod ng mga aktibidad umano ng China sa “unoccupied” features sa Spratly Islands na inaangkin ng Pilipinas.
Ayon sa DND, anumang paghihimasok sa West Philippine Sea o reclamation sa unoccupied features ay banta sa seguridad sa Pag-Asa Island na bahagi ng teritoryo ng bansa.
Isa rin anila itong peligro sa yamang dagat at nagpapahina sa katatagan ng Asia-Pacific Region.
Ang Lankiam Cay ang “pinakamaliit” sa unoccupied features sa Spratly Islands, na pinangangasiwaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Kalayaan, Palawan.
Itinuturing ding bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Whitsun Reef na tinatawag namang Julian Felipe Reef.
Una nang nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Department of Foreign Affairs sa balitang nagtatayo umano ang Tsina ng mga imprastruktura sa mga nasabing teritoryo na malapit sa Pag-Asa Island.