Palalakasin pa ng Philippine Coast Guard o PCG ang kanilang pagpapatrolya sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng ulat hinggil sa panlilimas umano ng Chinese Coast Guard sa huling isda ng mga mangingisdang Pilipino sa bahaging iyon ng karagatan.
Ayon kay Coast Guard acting Spokesman Captain Genito Basilio, katuwang nila sa pagpapatrulya ang Philippine Navy, Air Force at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ipinag-utos na rin aniya ng kanilang commandant na si Admiral Herson Hermigino sa kanilang unit sa Palawan na paigtingin ang presensya sa mga pinagtatalunang teritoryo.
Gayunman, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi igigiit ng Pilipinas ang paglalagay ng mga sasakyang pandigma ng bansa sa naturang karagatan upang hindi na lumikha ng panibagong gulo.
—-