Mariing itinanggi ng Joint Task Force COVID-19 Shield na mayruong nangyayaring militarisasyon ngayon sa Cebu City.
Ito’y makaraang magpadala ng dalawang batalyong Special Action Force (SAF) ang Philippine National Police (PNP) sa lungsod na hanggang sa ngayon ay nakapailalim pa rin sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sa panayam ng DWIZ kay Joint Task Force COVID-19 Shield commander P/LtG. Guillermo Eleazar, sinabi nito na hindi na bago ang pagpapakalat sa mga SAF trooper lalo’t minsan na nila itong ginawa sa Metro Manila.
Hindi naman ibig sabihin na kapag andyan ay manghuhuli na ang mga pulis natin. Alam nyo po ang SAF, their presence and deployment is a tried and tested formula na nagamit natin dito noong kasagsagan ng ECQ dito sa Metro Manila last April. Nakita naman natin na wala naman silang inaresto eh,” ani Joint Task Force COVID-19 Shield commander P/LtG. Guillermo Eleazar.
Magugunitang naglabas ng pangamba ang mga taga Cebu City dahil sa presenysa ng SAF gayundin ng mga sundalo sa lugar upang magmando sa mga checkpoint.
Gayunman, tiniyak ni Eleazar sa mga taga Cebu na walang dapat ipag-alala dahil para na rin ito sa kanilang kapakanan.
Gusto po naming iparating sa kanila na kami po ay kakampi. Sama-sama po tayo. We are on the same side on fighting on our common enemy, which is the coronavirus na ito,” dagdag pa ni Eleazar.