Pansamantalang pamumunuan ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA).
Ito aniya ay upang mabilis umanong makaaksyon ang ahensiya lalo ngayong may kinakaharap na problema sa suplay ng pagkain.
Binigyang-diin ni Marcos na mayroong mga opisina sa DA na kailangan ng ayusin upang maging angkop sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at habang muling binubuo ang value chain ng agrikultura.
Sinabi ni Marcos na maraming dapat na gawing prayoridad sa sektor ng agrikultura na kailangang tugunan ng sabay-sabay, kung saan, kabilang dito ang pagpapataas ng produksyon upang madagdagan ang suplay ng pagkain lalo na ngayong nilimitahan ng Thailand at Vietnam ang pag-export nito ng bigas.
Dagdag pa ni Marcos, bukas siya sa pag-amyenda sa Rice Tariffication Law upang mas lumaki ang pondo na maaaring gugulin ng gobyerno sa agrikultura.