Dumating na sa bansa ang pangulo ng Sri Lanka para sa limang araw na state visit nito.
Ang eroplanong sinakyan ni Sri Lankan President Maithripala Sirisena ay lumapag sa NAIA Terminal 3 pasado alas-10:00 kagabi.
Ang pangulo ng Sri Lanka ay sinalubong nina Trade and Industry Secretary Ramon Lopez at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal.
Kabilang sa mga nakalatag na aktibidad nang bumibisitang Pangulo ng Sri Lanka ay pagtungo sa Rizal Park para sa isang wreathlaying ceremony ngayong umaga at mamayang hapon ay nakatakda itong makipagpulong sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Sri Lankan President ay magtutungo rin sa Asian Development Bank sa Pasig City at International Rice Research insTitute sa Los Baños, Laguna.
At bago bumalik ng kanilang bansa, makikipagkita ang Pangulo sa Sri Lankan community sa Maynila.
‘Stop and go’ scheme ipatutupad ng MMDA
Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng stop-and-go traffic scheme sa mga lugar na dadaanan ng convoy ni Sri Lankan President Maithripala Sirisena.
Ayon kay Bong Nebrija, traffic head ng MMDA-EDSA, dalawandaan at limampung (250) MMDA personnel ang kanilang itinalaga para tiyaking maayos ang daloy ng trapiko sa pagbisita ng Sri Lankan President sa Pilipinas.
Kabilang sa mga kalsadang kanilang binabantayan na maaaring daanan para sa mga aktibidad ni Siresena ang mga kalsada sa Makati Business District, Pasig Commercial District, Quezon City, at mga kalsada sa Maynila.
Dumating kagabi ang Sri Lankan President at inaasahang tatagal ang pagbisita nito hanggang sa Enero 19, araw ng Sabado.—By Kim Montano
—-