Pabor si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion III na palawigin pa ng isang linggo ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR plus sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Concepcion na pabor ito sa pagpapalawig ng mahigpit na quarantine protocols lalo na kung hindi pa rin nakokontrol ang banta ng virus.
Giit pa ni Concepcion, hindi gaanong na-apektuhan ng umiiral na ECQ ang mga kabuhayan lalo’t tatama ng holiday ang pag-iral nito dahil sa Semana Santa.
Paglilinaw ni Concepcion, ang pinapaboran niyang pagpapalawig ng ECQ ay kung makatutulong ito sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19.
Sa huli, binigyang diin ni Concepcion ang kahalagahan ng ibayong pag-aaral sa anumang gagawing hakbang ng pamahalaan kung ito ba’y palalawigin o hindi.