Isang magandang hakbang para sa epektibong paglaban sa katiwalian ang bagong komisyon na nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian matapos itatag ni Pangulong Duterte ang Presidential Anti-Corruption Commission.
Ayon kay Gatchalian, ang nasabing komisyon ay magiging karagdagang mekanismo para malabanan ang kultura ng korapsyon sa bansa.
Giit ni Gatchalian, nangyayari ang korapsyon sa lahat ng lebel mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas.
Aniya, wala nang ahensiya ng pamahalaan ang makapagsasabing ganap nang malinis mula sa katiwalian ang kanilang mga tanggapan kaya magiging malaking tulong ang komisyon para labanan ito.