Isa-isang sinagot ni Presidential aspirant at dating Sen. Ferdinand Bongbong Marcos Jr ang iba’t ibang tanong na may kinalaman sa kaniyang mga plano sakaling siya ang mahalal na susunod na Pangulo sa Halalan 2022.
Ito’y kasunod ng isinagawang exclusive round table interview ng ALC Media Group sa pangunguna ni ALC Chairman D. Edgard Cabangon sa Makati City nitong Lunes ng umaga (Enero a-24).
Kabilang sa kaniyang mga binigyang diin ay ang pagpabor sa prinsipyo ng No Vaccination, No Ride policy ng DOTr at paglilimita sa galaw ng mga hindi bakunado kontra COVID 19 dahil sa kailangang isipin ang kapakanan ng mas maraming Pilipino upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sa isyu ng enerhiya, binigyang diin ni Marcos na kailangang pag-aralang maigi ang planong muling buhayin ang Bataan Nuclear powerplant subalit dapat ito’y nakasalig sa agham o siyensiya upang matugunan ang malalang problema ng bansa sa kuryente.
Sa isyu naman ng Freedom of Information, binigyang diin ni Marcos na kailangang matutunan ng lahat ang mga aral ng CORONA impeachment trial nuong 2012 kaya’t kung siya ang tatanungin, dapat isapubliko lang ang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SAL-N kung may legal na batayan para gawin ito at hindi para gamitin sa pulitika.
Nanindigan din si Marcos sa muling pagbabalik ng Death Penalty subalit nilinaw niyang dapat itong maging huling baraha para sa mga kriminal na ayaw magbago kaya para sa kaniya ay hindi ito ang solusyon upang masawata ang krimen.
Pakatututukan din ni Marcos sakaling siya ang maupong Pangulo ang kapakanan ng mga Oversease Filipino Worker at lahat ng mga manggagawang Pilipino na mabigyan ng sapat na benepisyo tulad ng pabahay.. kaya kaniyang isinusulong ang pagbuhay muli sa BLISS o Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services.
Sa sektor naman ng food security, sinabi ni Marcos na panahon na upang i-overhaul ang sektor ng Agrikultura upang makasabay sa epekto ng global warming kaya’t mainam aniyang tumutok sa pagpapayaman sa Mariculture o Marine Agriculture na siyang sinasabing bagong pag-asa sa sektor.
Sa usapin naman ng Foreign Policy, sinabi ni Marcos na dapat manatili ang Bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas, Amerika at China subalit kailangang mas manaig ang interes ng bansa.
Pabor naman si Marcos na pauwiin na si CPP-NPA at NDF Founding Chairman Jose Maria Sison sa bansa matapos na mabinbin ang hirit niyang assylum sa the Netherlands pero kailangang harapin aniya nito ang lahat ng kasong isinampa laban sa kaniya. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)