Patuloy pang nangangalap ng impormasyon at ebidensya ang Philippine National Police (PNP) laban sa ilang mga kandidato.
Ito’y kasunod ng akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang kumakandidato sa pagka-Pangulo para sa Halalan 2022 ang nasasangkot umano sa katiwalian.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, mayruon na silang ginagawang background check sa bawat kandidato at kung anu-anong mga kaso, kontrobersiya at iskandalo ang kanilang kinasasangkutan.
Maging ang isang Presidentiable aniyang inakusahan ng Pangulo kamakailan na gumagamit ng coccaine ay masusi na ring inaalam ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte sa kaniyang Talk to the People kamakailan na hindi muna niya papangalanan ang mga kandidatong kaniyang inaakusahan subalit mainam aniyang ipaalam niya ito sa publiko dahil kinabukasan aniya ng bansa ang nakasalalay dito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)