Itinakda na ng Commission on Elections o COMELEC ang petsa ng gagawing presidential debate sa pagpasok ng taong 2016.
Kaya ngayon pa lamang, sinabi ni COMELEC Chairman Andy Bautista na puspusan na ang kanilang paghahanda rito.
Batay sa timeline ng COMELEC, gagawin ang unang presidential debate sa Mindanao sa Pebrero na susundan sa Visayas na gagawin sa Marso habang ang huli ay sa Luzon na gagawin naman sa Abril.
Pangungunahan ito ng tandem ng mga TV at print media networks na GMA 7, ABS-CBN, TV 5, Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin at Philippine Star.
Sa Abril din nakatakdang gawin ayon kay Bautista ang vice presidential debate na pangungunahan naman ng CNN Philippines at ng Business Mirror.
At tulad ng laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao, live na mapapanood ang isasagawang debate sa lahat ng network.
Kasunod nito, muling makikipagpulong ang COMELEC sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP upang isapinal ang mga panuntunan at reglamento para sa debate.
By Jaymark Dagala