Susundin ng Philippine Army ang burial procedure na ibinigay kay dating Pangulong Elpidio Quirino sa paghihimlay naman ngayon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Col. Benjamin Hao, gagawaran ng 21 gun salute ang dating commander in Chief kasabay ng pagbibigay ng arrival honors.
Magmamartsa rin ang kabaong ng yumaong dating pangulo mula sa tarangkahan o gate ng Libingan patungo sa puntod nito may 500 metro ang layo.
Susundan naman ito ng maikling programa tulad ng volleys of fire o ang tatlong beses na pagpapaputok ng baril na may pitong rounds ng bala sa kada kalabit ng gatilyo.
Itutupi rin ang watawat ng Pilipinas mula sa ibabaw ng kabaong na ibibigay sa AFP Chief of Staff at saka ibibigay sa pamilya Marcos.
Naghihintay na lamang ang Army ng kautusan mula sa Kampo Aguinaldo upang masimulan na ang mga pagsasaayos sa puntod ni Marcos bilang paghahanda sa paglilibing sa kanya.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal (Patrol 31)