Susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang presidential candidate na may letrang “o” sa kanilang pangalan.
Ito ang inihayag ni Communications Secretary Martin Andanar, acting Presidential Spokesperson noong Miyerkules, Marso a-9.
Nabatid na mayroong sampung (10) kandidato sa pagka-pangulo ang tatakbo sa nalalapit na eleksiyon kabilang na dito sina:
- former Presidential Spokesperson Ernesto Abella
- Labor Leader Leody De Guzman
- Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso
- former National Security adviser Norberto Gonzales
- Senator Panfilo “Ping” Lacson
- Lanao Del Sur Businessman Faisal Mangondato
- former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
- Jose Montemayor Jr.
- Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao, at
- Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo.
Ayon kay Andanar, lahat ng mga kakandidato sa pagka-pangulo sa 2022 national and local elections ay mayroong letrang “o” sa kani-kanilang mga pangalan pero malabo aniyang suportahan ng pangulo ang mayroong letrang “u” sa pangalan.
Iginiit naman ni Andanar na sa ngayon ay hindi ineendorso at sinusuportahan ni Duterte ang sinumang kandidato sa pagka-pangulo. —sa panulat ni Angelica Doctolero