Susuportahan ng mga kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino ang babasbasan nitong kandidato para sa 2016 elections.
Ang pahayag ay ginawa nina Presidential sisters Pinky Aquino-Abellada at Ballsy Aquino-Cruz See sa gitna ng napaulat na pormal nang ihahayag ni PNoy ang kanyang endorsement kay Secretary Mar Roxas bukas, Hulyo 31.
Matatandaang napaulat na sinuportahan ng Presidential sisters ang Noy-Bi faction noong 2010 national elections.
Inamin din ng isa sa mga kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino na nasaktan siya nang tawagin ni Vice President Jojo Binay ang administrasyong Aquino na palpak at manhid.
Ayon kay Presidential sister Pinky Aquino-Abellada, ang ginawa ni VP Binay ay sinasabing tila pagpapakita ng kawalan ng respeto.
Sa panig naman ni Ballsy Aquino-Cruz See, nais niyang manatiling habambuhay ang pagkakaibigan nila ng mga anak ng Pangalawang Pangulo.
Giit niya, matagal ang pinagsamahan nila at hindi niya basta ito itataboy o itatapon dahil lamang sa nangyayari ngayon.
By Jelbert Perdez