Umalma ang kampo ng napatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa patutsada ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangan na ng psychosocial assistance ng dating punong mahistrado.
Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga abogado ni Sereno, dapat ipaliwanag ni Roque kung bakit ang mga taong gobyerno na sinibak sa pwesto ng Pangulo dahil sa alegasyon ng kurapsyon ay hindi naman nasasampahan ng kaso sa Korte kaysa atakihin si Sereno.
Dahil lamang ito sa naging pananaw ng dating punong mahistrado sa mga naging pagsibak ng Pangulo sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Mayroon anyang mga nasibak na opisyal ng gobyerno ang na-recycle lamang at muling itinalaga ni Pangulong Duterte sa ibang posisyon sa gobyerno.
Iginiit pa ni Lacanilao na kung hindi lang din maipapaliwanag ng Palasyo sa publiko ay lalabas na tama ang pananaw ni Sereno na “publicity stunts” o papogi lamang ito ng Pangulo.