Umalma si Presidential Spokesman Harry Roque sa gulong ginawa ng mga militanteng grupo sa isang pribadong reception na kanyang dinaluhan sa New York City, USA kung saan dalawang waiter ang nasugatan.
Kinondena rin ni Roque ang marahas na pag-atake ng mga raliyista sa isang pribadong aktibidad para sa mga kinatawan ng ilang foreign missions sa New York.
Hindi anya na-kuntento ang mga militanteng grupo sa mapayapang rally sa labas ng restaurant at inakyat pa ng mga ito ang establisyimento at kalauna’y dalawang nakatatandang waiter ang nasaktan at ilang kagamitan ang nasira.
Umorder pa ng pagkain at inumin ang mga raliyista sa restaurant pero hindi naman binayaran.
Si Roque ay kabilang sa mga nominado ng gobyerno ng Pilipinas para sa International Law Commission na isang united nations body. —sa panulat ni Drew Nacino