Hindi naman aniya talaga masama ang pagsakay sa Metro Rail Transit o MRT.
Ito ang iniyahag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos niya subukan sumakay sa MRT upang makuha umano ang sentimyento ng mga mananakay ng MRT na kamakailan ay nakaranas ng sunod-sunod na aberya.
Ayon kay Roque dahil wala siyang aberyang naranasan hindi naging masama ang kaniyang karanasan.
Ngunit habang nasa biyahe pinuna ni Roque ang kakulangan ng mga bagon at ang palpak na maintenance service ng MRT.
Sumakay din ng Light Rail Transit o LRT-1 si Roque mula Taft Avenue Station at nagkaroon pa ng problema sa kaniyang beep card ngunit mabilis din itong pinadaan ng pamunuan sa ibang exit.
Samantala, hindi naman naging maganda ang pagtanggap ng ilang netizens sa ginawa ni Roque.
Pahayag ng ilang netizens, pagpapabango lamang ito ng kaniyang imahe para sa maaga niyang pangangampanya.
Magugunitang kamakailan ay inanunsiyo na kabilang ang tagapagsalita ng Palasyo sa listahan ng mga nais patakbuhin ng PDP-Laban sa Senado sa 2019.
—-