Isang preso ang patay dahil umano sa sobrang init sa kanilang selda sa Pasay City.
Kinilala ang bilanggong si Domingo Delos Santos na kabilang sa walong (8) presong isinugod sa Pasay Medical General Hospital mula sa Pasay City Police Detention cell, kagabi.
Ayon sa Pasay City Police, nag-noise barrage ang mahigit isandaang (100) bilanggo dahil sa sobrang siksikan at init sa kanilang selda hanggang sa nauwi sa tulukan kaya’t ilan sa mga ito ay hinimatay.
Dahil dito, walo sa mga bilanggo ang naisugod sa ospital subalit hindi na umabot si Delos Santos at idineklarang dead-on-arrival dakong alas 11:00.
Agad namang na-kontrol ng mga pulis ang sitwasyon sa detention cell habang sino-solusyonan na ang pagsisiksikan ng mga preso.
Nananawagan naman sa national government ang Pasay Police na magpatayo ng mga dagdag na piitan upang ma-accommodate ang tumataas na bilang ng mga nakukulong dito.
Mahalaga umanong magkaroon ng mga bagong pasilidad upang hindi na madagdagan ang mga naturang insidente lalo na ngayong summer na nagpapalala sa sitwasyon ng mga piitan sa buong bansa.
(Ulat at Kuha ni Gilbert Perdez)