Muling tiniyak sa publiko ng Department of Agriculture na nananatiling stable ang supply at presyo ng gulay sa kabila ng epekto ng flashfloods at mudslides sa ekta-ektaryang taniman sa Ifugao.
Ayon sa DA – Cordillera, sapat ang supply sa ngayon ng mga highland vegetable, tulad ng Repolyo, Letsugas, Broccoli at Cauliflower kaya’t wala pang dapat ipangamba ang publiko.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2020, nasa 58K pamilya sa Ifugao, mga karatig lalawigan ng Benguet at Mountain Province ang umaasa sa pagtatanim ng gulay bilang hanapbuhay.
Halos 80% ng highland vegetable supplies ng bansa ay mula sa tatlong nabanggit na probinsya o nasa 130,538 metric tons ng Repolyo, Patatas, Kamatis, Kamote, Kamoteng Kahoy, Talong at Sibuyas ang produksyon noong 2020.
Gayunman, nangangamba si Adrian Albano, Administrator ng Ifugao Highland Farmers Forum, na maaaring makaranas ng shortage sa mga susunod na araw dahil sa limitadong produksyon.
Sa pagtaya ng DA – Cordillera, aabot na sa P48.8 million ang halaga ng pinsala ng flashfloods at mudslides sa sektor ng agrikultura sa Ifugao, partikular sa Bayan ng Banaue.
Katumbas ito ng 728 metric tons na volume loss ng tinatayang 600 magsasaka at mag-gugulay.