Inaasahang bababa na ang presyo ng asukal ngayong linggo.
Ayon kay Sugar Regulatory Administrator Hermenegildo Serafica, nakatakdang mag-aangkat ang Pilpinas ng 200,000 metric tons ng refined sugar sa gitna ng kakulangan sa supply matapos manalasa ang bagyong Odette.
Base sa Sugar Order No. 3 for Crop year 2021-2022, pinahihintulutan ang importasyon ng 200,000 metric tons ng standard at bottler’s grade refined sugar sa gitna ng inaasahang shortfall sa refined sugar.
Bukod dito, binago rin ng Philippine Association of Sugar Refineries ang Refined Sugar Production Forecast nito para sa Crop year 2021-2022 sa 16.748M lkg o yung kada bag ng asukal mula sa naunang production estimate na 17.572M ng kada bag ng asukal bago pa man manalasa si bagyong Odette.
Nabatid na ang isang lkg o bag ng asukal ay katumbas ng 50-kl na makapagbibigay ng sapat na buffer stock na susuporta naman hanggang sa pagsisimula ng susunod na milling season.
Ang pag-angkat ng mga asukal ay ilalaan para sa mga industriya na gumagawa ng Soda o softdrinks at sa mga Food processor. —sa panulat ni Angelica Doctolero